Fish Vendor Na Nahuli Na Walang Quarantine Pass, 10 Araw Na Di Nakauwi Sa Pamilya

Kasalukuyang pinag-uusapan ng mga netizens ang tungkol sa tindero ng isda na nahuli habang sinusubukang mamili ng kanyang paninda.

Matinding pag-aalala ang naramdaman ng isang pamilya sa Caloocan City dahil ang kanilang padre de pamilya ay isang linggo nang di umuuwi sa kanilang tahanan. Ngayon ay mahigpit ang mga awtoridad pagdating sa mga quarantine pass.

Kaya naman ay nadakip ang isang lalaki sa Navotas matapos niyang hindi makapagpakita ng quarantine pass. Siya ay nadakip noong dapat siya ay mamimili sana ng kanyang paninda para sa sariling talipapa.

Nakilala ang lalaki sa pangalang Dodong Jimeda. Natagpuan siya sa Navotas sports complex na nagsisilbing holding facility sa Navotas ng mga indibidwal na lumalabag sa batas ngayong quarantine period.

Nahanap rin ang asawa ni Jimeda na si Patring. Ayon sa balita ay balisa raw ngayon ang maybahay ni Jimeda dahil hindi raw alam kung saan nito uumpisahang hanapin ang kanyang asawa.

Sa tulong ng kanilang komunidad, nalaman nila ang kinaroroonan ni Jimeda at inasikaso agad nila ang mga dokumento na kinakailangan nilang ipasa para sana ay mapiyansahan siya na nagkakahalaga ng 3,500 na piso.

Buong puso ring tumulong ang Diocese ng Caloocan sa pamilya ni Jimeda upang maasikaso ang kaniyang mabilis at maayos na pagpapauwi.

Pero sa kasamaang palad ay nagkaroon na naman ng isa pang komplikasyon ang pagpapasa na sana ng mga papel. Ang problema ayon sa kaniyang pinsan, magkaiba ang apelido na lumabas sa dala nilang papel para kay Jimeda at sa nakalista sa computer.

Dahil dito, kailangan pa umanong magpagawa ng joint affidavit, bagay na posibleng bumilang muli ng araw dahil limitado raw ang araw ng pasok sa tanggapang nagpoproseso nito. Ngayong sinusunod ang Modified Enhanced Community Quarantine ay nakakapagtrabaho na ang iilang manggagawa ngunit sumusunod sa Skeleton workforce.

Ang skeleton workforce ay ang paghahati hati ng mga empleyado sa oras ng pasok upang lahat ay mabigyan ng sweldo habang sumusunod pa rin sa social distancing. Ito rin ay paraan upang bawasan ang mga taong lumalabas sa kanilang mga tahanan kahit na marami ang nanunumbalik sa pagtatrabaho.

Tiniyak naman ni Navotas mayor Toby Tiangco na napapangalagaan ang kalusugan ng mga naka-hold sa sports complex para maiwasan ang hawahan kung mayroon magkasakit.

Ang ilang mga lungsod rin ay may kani-kaniya rin na protocol para sa mga violators ng MECQ. Mayroon pa ngang iba na pinarurusahan ang mga mahuhuli gamit ang pag eehersisyo. Nagtetrending ito paminsan minsan sa Facebook kaya nama’y nagkakaroon na rin ng iba’t-ibang gimik ang mga bantay baranggay.

Sa kasalukuyang pagsusulat ay wala pang balita tungkol sa paglaya ni Dodong Jimeda mula sa pagkakadakip. Ngunit maraming netizens ang nag aabang na makabalik na siya sa kanyang pagtitinda upang masuportahan na muli ang kanyang pamilyang umaasa sa kinikita niya mula sa talipapa.

Naging kontrobersyal rin ang balitang ito matapos makumpara sa naging birthday party ni Major General Sinas kung saan lumabag sa pagbabawal ng mass gathering at social distancing. Marami ang nagsasabing ito raw ay ang pinagkaiba ng mahihirap at mayayaman sa lipunan ng Pilipinas.